Hindi ako mapakali kanina. Tatlong araw akong halos nakakulong sa dormitoryo dahil sa bagyo. Ikatlong araw ngayong walang pasok. Hindi ako mapakali. Dapat ay magse-“cell” ako ngayong araw. Pero dahil sinuspende nga ang mga klase, balik Huwebes na naman ang aming iskedyul. Hindi ako mapakali. Gusto kong lumabas at pangatawanan ang Acts 20:24. Ganito pala ‘pag nahanap mo na ang iyong “bakit” sa buhay – hindi ka mapakali hangga’t hindi ito natutupad. Nawawalan ng saysay ang katuwaang walang pasok. Pero masarap sa pakiramdam. Pag nakaugat na ito sa sistema mo, hindi mo ito maikakaila. Pigilan ka ma’y hindi ka papipigil. Sindakin ka ma’y hindi ka matitinag.
Sa tapat ng Sanggumay ang Kalay, kung saan ako dati’y nanirahan din. Sa tapat ko ang pangarap na magtanim ng bunga sa unibersidad na ito. May pangarap ako sa eskwelehan sa kung saan ako itinalaga ng tadhana – mas malayo, at tila’y dayuhan kung ako’y ituring. Ngunit ang puso ko’y tumitibok pa rin sa paaralang nagpalaki sa akin, sa institusyong kinamulatan ko ng katotohanan na akin ngayong minumutya. Higit diyan ay ang aking pamamalagi dito. Sapat na bang kadahilanang isipin na hindi ako pumasa para lamang mangatwira’y tinutupad nga Niya ang mga pangarap kundi dahil may itinakda pang gawaing kailangang tapusin sa pamantasan? Dati’y dalangin lamang, ngayo’y ramdam ko ang tibok ng puso. UP, para kanino ka nga ba lumalaban? Panahon na para isakatuparan ang iyong pahinungod na buong puso’y alay sa bayan. Ngayo’y dagdagan natin nang mas makapangyarihan: pahinungod para sa Diyos at para sa bayan.
Ako’y namulat, ika’y gigisingin. Walang kapahingahan hangga’t ika’y tunay ngang makamtan.
0 comments:
Post a Comment